¹ Sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong mabagabag. Magtiwala kayo sa Dios at magtiwala rin kayo sa akin. ² Sa tahanan ng aking Ama ay maraming silid. Pupunta ako roon para ipaghanda kayo ng lugar. Hindi ko ito sasabihin kung hindi ito totoo. ³ Kapag naroon na ako at naipaghanda na kayo ng lugar, babalik ako at isasama kayo upang kung nasaan ako ay naroon din kayo. ⁴ At alam nʼyo na ang daan papunta sa pupuntahan ko.” ⁵ Sinabi ni Tomas sa kanya, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano po namin malalaman ang daan?” ⁶ Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakarating sa Ama kung hindi sa pamamagitan ko. ⁷ Kung kilala nʼyo ako, kilala nʼyo na rin ang aking Ama. At ngayon nga ay nakilala at nakita nʼyo na siya.”