³ Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios ang hindi ipinanganak na muli.” ⁴ Nagtanong si Nicodemus, “Paanong maipapanganak muli ang isang taong matanda na? Hindi na siya pwedeng bumalik sa tiyan ng kanyang ina upang ipanganak muli.” ⁵ Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios ang hindi ipinanganak sa pamamagitan ng tubig at Banal na Espiritu. ⁶ Ang ipinanganak sa pamamagitan ng tao ay may pisikal na buhay, ngunit ang ipinanganak sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay nagkakaroon ng bagong buhay na espiritwal. ⁷ Kaya huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo na kailangang ipanganak kayong muli. ⁸ Ang hangin ay umiihip kung saan nito gusto. Naririnig natin ang ihip nito, ngunit hindi natin alam kung saan nanggagaling o saan pupunta. Ganoon din ang sinumang ipanganak sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.” ⁹ Nagtanong si Nicodemus, “Paano pong mangyayari iyon?” ¹⁰ Sumagot si Jesus, “Isa kang tanyag na tagapagturo sa Israel, pero hindi mo ito alam? ¹¹ Sinasabi ko sa iyo ang totoo, ipinapahayag namin ang nalalaman at nasaksihan namin, ngunit hindi ninyo tinatanggap. ¹² Kung hindi kayo naniniwala sa mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa kaya kayo maniniwala sa mga sasabihin ko tungkol sa mga bagay sa langit? ¹³ Walang sinumang nakapunta sa langit maliban sa akin na Anak ng Tao na nagmula sa langit.”
¹⁴ Sinabi pa ni Jesus, “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas na tanso sa ilang ay ganoon din naman, ako na Anak ng Tao ay dapat ding itaas, ¹⁵ upang ang sinumang sumasampalataya sa akin ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
¹⁶ “Sapagkat ganito ang pag-ibig ng Dios sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay niya ang kanyang Bugtong na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. ¹⁷ Sapagkat hindi sinugo ng Dios ang kanyang Anak dito sa mundo upang hatulan ng parusa ang mga tao, kundi upang iligtas sila. ¹⁸ Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hahatulan ng kaparusahan, ngunit ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, dahil hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Dios. ¹⁹ Hinatulan sila dahil dumating ang Anak ng Dios bilang ilaw dito sa mundo, ngunit mas ginusto nilang manatili sa dilim kaysa sa lumapit sa kanya na nagbibigay-liwanag, dahil masama ang mga ginagawa nila. ²⁰ Ang taong gumagawa ng masama ay ayaw sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, dahil ayaw niyang malantad ang kanyang mga gawa. ²¹ Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa liwanag, upang malaman ng lahat na ang mabubuti niyang gawa ay nagawa niya sa tulong ng Dios.”