²⁶ Kayong lahat ay mga anak ng Dios dahil sa pananampalataya ninyo kay Cristo Jesus. ²⁷ Sapagkat binautismuhan kayo sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo at namumuhay kayong katulad niya. ²⁸ Ngayon, wala nang pagkakaiba ang Judio sa hindi Judio, ang alipin sa malaya, ang lalaki sa babae. Kayong lahat ay iisa na dahil kayoʼy nakay Cristo na. ²⁹ At dahil kayoʼy kay Cristo na, kabilang na kayo sa lahi ni Abraham at mga tagapagmana ng mga ipinangako ng Dios sa kanya.
¹ Ito ang ibig kong sabihin: Habang bata pa ang tagapagmana, wala siyang ipinagkaiba sa mga alipin kahit kanya ang lahat ng ari-arian. ² Itinatagubilin siya sa mga taong nag-aalaga sa kanya at namamahala ng mga ari-arian niya hanggang sa araw na itinakda ng kanyang ama.
³ Ganoon din naman ang kalagayan natin bago dumating si Cristo – inalipin tayo ng mga panuntunan ng mundong ito. ⁴ Ngunit nang dumating na ang takdang panahon, isinugo ng Dios ang kanyang Anak sa mundo. Ipinanganak siya ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan ⁵ para palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan, nang sa ganoon ay maging anak tayo ng Dios. ⁶ At dahil mga anak na tayo ngayon ng Dios, isinugo ng Dios ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating puso, kaya makakatawag na tayo sa kanya ng “Ama.” ⁷ Ngayon, hindi na tayo mga alipin kundi mga anak. At kung mga anak tayo ng Dios, tagapagmana rin tayo ng mga pangako niya.