¹ Pagkatapos, nagsalita si Jesus sa mga tao at sa mga tagasunod niya. ² Sinabi niya, “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. ³ Kaya dapat ninyong pakinggan at sundin ang lahat ng itinuturo nila sa inyo. Pero huwag ninyong gayahin ang mga ginagawa nila dahil hindi nila ginagawa ang mga itinuturo nila. ⁴ Ipinapatupad nila sa inyo ang mahihirap nilang kautusan, pero sila mismo ay hindi sumusunod sa mga ito. ⁵ Ang lahat ng ginagawa nila ay pakitang-tao lang. At upang ipakita na napakarelihiyoso nila, nilalakihan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang laylayan ng kanilang mga damit. ⁶ Mahilig silang umupo sa mga upuang pandangal sa mga handaan at mga sambahan. ⁷ At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar at tawaging ‘Guro.’ ⁸ Ngunit huwag kayong magpatawag na ‘Guro,’ dahil lahat kayoʼy magkakapatid at iisa lang ang inyong Guro. ⁹ At huwag ninyong tawaging ‘Ama’ ang sinuman dito sa lupa, dahil iisa lang ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. ¹⁰ Huwag din kayong magpatawag na ‘Amo,’ dahil iisa lang ang inyong amo, walang iba kundi ang Cristo. ¹¹ Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. ¹² Ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa ng Dios, at ang nagpapakababa ay itataas ng Dios.”