¹ Sinabi sa akin ng Panginoon, ² “Anak ng tao, magsalita ka laban sa mga bantay ng Israel. Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Nakakaawa ang mga bantay ng Israel. Ang sarili lang ninyo ang inyong inaalagaan! Hindi ba ang mga bantay ang dapat nag-aalaga sa mga tupa? ³ Iniinom ninyo ang gatas nila, ginagawang damit ang mga balahibo nila at kinakatay ninyo ang mga malulusog sa kanila, pero hindi ninyo sila inaalagaan. ⁴ Hindi ninyo pinalalakas ang mahihina, hindi ninyo ginagamot ang mga may sakit o hinihilot at binebendahan ang mga pilay. Hindi ninyo hinahanap ang naliligaw at nawawala. Sa halip, pinagmalupitan nʼyo pa sila. ⁵ At dahil walang nagbabantay sa kanila, nangalat sila at nilapa ng mababangis na hayop. ⁶ Naligaw ang mga tupa ko sa mga bundok at burol. Nangalat sila sa buong mundo at walang naghanap sa kanila.
⁷ “Kaya kayong mga bantay, pakinggan ninyo ang sasabihin kong ito: ⁸ Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpa na parurusahan ko kayo dahil hindi ninyo binantayan ang aking mga tupa, kaya sinalakay sila at nilapa ng mababangis na hayop. Hindi ninyo sila hinanap, sa halip sarili lang ninyo ang inyong inalagaan. ⁹ Kaya kayong mga bantay, pakinggan ninyo ang mga sinasabi ko. ¹⁰ Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi na kalaban ko kayo, at may pananagutan kayo sa nangyari sa aking mga tupa. Hindi ko na ipagkakatiwala sa inyo ang aking mga tupa dahil ang sarili lang ninyo ang inyong inaalagaan. Ililigtas ko ang mga tupa mula sa inyo upang hindi na ninyo sila makain.
¹¹ “Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa at mag-aalaga sa kanila. ¹² Akoʼy magiging tulad ng pastol na naghahanap sa mga tupa niyang nangalat. Ililigtas ko sila saang lugar man sila nangalat noong panahon ng kaguluhang iyon. ¹³ Titipunin ko sila mula sa ibaʼt ibang bansa at dadalhin sa sarili nilang lupain. Doon ko sila aalagaan sa mga kabundukan ng Israel, sa tabi ng ilog at mga lupang tinitirhan ng tao. ¹⁴ Dadalhin ko sila sa sariwang pastulan sa kabundukan ng Israel. Dooʼy manginginain sila habang namamahinga. ¹⁵ Ako, ang Panginoong Dios, ang mismong mag-aalaga sa aking mga tupa, at silaʼy aking pagpapahingahin. ¹⁶ Hahanapin ko ang mga nawawala at ang mga naliligaw. Gagamutin ko ang mga may sugat at may sakit, palalakasin ko ang mahihina. Pero lilipulin ko ang matataba at malalakas na tupa. Gagawin ko sa kanila kung ano ang nararapat.