¹ Kaya ikaw Timoteo, bilang anak ko sa pananampalataya, magpakatatag ka sa tulong ni Cristo Jesus. ² Ituro mo rin sa mga mapagkakatiwalaang tao, na makakapagturo rin sa iba, ang mga aral na narinig mo sa akin sa harapan ng maraming saksi.
³ Makibahagi ka sa mga paghihirap bilang isang mabuting sundalo ni Cristo Jesus. ⁴ Dapat katulad ka ng isang sundalong nasa serbisyo; hindi siya nakikisangkot sa iba pang gawain para mabigyan niya ng kasiyahan ang kanyang opisyal. ⁵ Ganoon din naman, dapat katulad ka ng manlalaro; hindi siya makakakuha ng premyo kung hindi siya sumusunod sa tuntunin ng laro. ⁶ At dapat katulad ka rin ng masipag na magsasaka; hindi baʼt siya ang unang karapat-dapat na tumanggap ng bahagi sa ani? ⁷ Pag-isipan mong mabuti ang sinasabi ko sa iyo, at ipapaunawa sa iyo ng Dios ang lahat ng ito.