¹⁹ “Huwag kayong mag-ipon ng kayamanan para sa inyong sarili rito sa mundo, dahil dito ay may mga insekto at kalawang na sisira sa inyong kayamanan, at may mga magnanakaw na kukuha nito. ²⁰ Sa halip, mag-ipon kayo ng kayamanan sa langit, kung saan walang insekto at kalawang na naninira, at walang nakakapasok na magnanakaw. ²¹ Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan, naroon din ang inyong puso.”
²² “Ang mata ang nagsisilbing ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong mata, maliliwanagan ang buo mong katawan. ²³ Ngunit kung malabo ang iyong mata, madidiliman ang buo mong katawan. Kaya kung ang nagsisilbing ilaw mo ay walang ibinibigay na liwanag, napakadilim ng kalagayan mo.”
²⁴ “Walang taong makapaglilingkod nang sabay sa dalawang amo. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o kayaʼy magiging tapat siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Dios at sa kayamanan.”
²⁵ “Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mag-alala tungkol sa inyong buhay – kung ano ang inyong kakainin, iinumin o susuotin. Dahil kung binigyan kayo ng Dios ng buhay, siguradong bibigyan din niya kayo ng pagkain at isusuot. ²⁶ Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iipon ng pagkain sa bodega, ngunit pinapakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi baʼt mas mahalaga kayo kaysa sa mga ibon? ²⁷ Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang saglit sa pamamagitan ng pag-aalala?
²⁸ “At bakit kayo nag-aalala tungkol sa pananamit? Tingnan ninyo ang mga bulaklak na tumutubo sa parang. Hindi sila nagtatrabaho o naghahabi. ²⁹ Ngunit sasabihin ko sa inyo: kahit si Solomon ay hindi nakapagsuot ng damit na kasingganda ng mga bulaklak na ito sa kabila ng kanyang karangyaan. ³⁰ Kung dinadamitan ng Dios nang ganito ang mga damo sa parang, na buhay ngayon pero kinabukasan ay malalanta at susunugin, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! ³¹ Kaya huwag kayong mag-alala kung ano ang inyong kakainin, iinumin, o susuotin. ³² Ang mga bagay na ito ang pinapahalagahan ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Ngunit alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang mga bagay na ito. ³³ Kaya unahin ninyo ang mapabilang sa kaharian ng Dios at ang pagsunod sa kanyang kalooban, at ibibigay niya ang lahat ng pangangailangan ninyo. ³⁴ Kaya huwag na kayong mag-alala tungkol sa kinabukasan, dahil ang bukas ay may sarili nang alalahanin. Sapat na ang mga alalahaning dumarating sa bawat araw.”