⁵ Ito ang mensaheng narinig namin mula kay Jesu-Cristo at ipinapahayag naman namin sa inyo: Ang Dios ay liwanag at sa kanya ay walang anumang kadiliman. ⁶ Kung sinasabi nating may pakikiisa tayo sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay nang ayon sa katotohanan. ⁷ Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, tulad ng Dios na nasa liwanag, may pagkakaisa tayo, at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kanyang Anak sa lahat ng kasalanan.
⁸ Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. ⁹ Ngunit kung ipinagtatapat natin sa Dios ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin niya ang ating mga kasalanan at lilinisin tayo sa lahat ng uri ng kasamaan dahil matuwid siya. ¹⁰ Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, ginagawa nating sinungaling ang Dios, at wala sa atin ang kanyang salita.
¹ Mga anak, sinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang hindi kayo magkasala. Ngunit kung may magkasala man, may tagapamagitan tayo sa Ama – siya ay si Jesu-Cristo, ang Matuwid. ² Siya ang ibinigay na handog para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan, at hindi lang ng mga kasalanan natin kundi pati na rin ng kasalanan ng buong mundo.