⁸ Pasalamatan nʼyo ang Panginoon. Sambahin nʼyo siya!
Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
⁹ Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
¹⁰ Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
¹¹ Magtiwala kayo sa Panginoon,
at sa kanyang kalakasan.
Palagi kayong dumulog sa kanya.
¹²⁻¹³ Kayong mga pinili ng Dios na mga lahi ni Jacob na lingkod ng Dios, alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang mga paghatol.
¹⁴ Siya ang Panginoon na ating Dios,
at siya ang namamahala sa buong mundo.
¹⁵ Hindi niya kinakalimutan ang kanyang kasunduan at pangako sa libu-libong henerasyon.
¹⁶ Ang kasunduang ito ay ginawa niya kay Abraham,
at ipinangako niya kay Isaac.
¹⁷ Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,
at magpapatuloy ito magpakailanman.
¹⁸ Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
“Ibibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan,
ipamamana ko ito sa inyo at sa inyong mga angkan.”
¹⁹ Noon iilan pa lang ang mga mamamayan ng Dios,
at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan.
²⁰ Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian.
²¹ Ngunit hindi pinahintulutan ng Dios na apihin sila.
Para maproteksyunan sila, sinaway niya ang mga hari na kumakalaban sa kanila.
²² Sinabi niya,
“Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod,
huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.”
²³ Kayong mga tao sa buong mundo, umawit kayo sa Panginoon.
Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagliligtas niya sa atin.
²⁴ Ipahayag ninyo sa lahat ng tao sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa.
²⁵ Dahil dakila ang Panginoon at karapat-dapat papurihan.
Dapat siyang katakutan ng higit kaysa sa lahat ng mga dios,
²⁶ dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay ginawa lang nila para sambahin,
ngunit ang Panginoon ang lumikha ng langit.
²⁷ Nasa kanya ang kaluwalhatian at karangalan;
ang kalakasan at kagalakan ay nasa kanyang tahanan.
²⁸ Purihin ninyo ang Panginoon,
kayong lahat ng tao sa mundo.
Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
²⁹ Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa kanyang presensya.
Sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kanyang kabanalan.
³⁰ Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
Matatag niyang itinayo ang mundo at hindi ito mauuga.
³¹ Magalak ang buong kalangitan at mundo;
ipahayag sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon.”
³² Magalak din ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
³³ At ang mga puno sa gubat ay aawit sa tuwa sa presensya ng Panginoon.
Dahil darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo.
³⁴ Magpasalamat kayo sa Panginoon dahil siyaʼy mabuti;
ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
³⁵ Manalangin kayo, “Iligtas nʼyo kami, O Dios na aming Tagapagligtas;
palayain nʼyo po kami sa mga bansa at muli kaming tipunin sa aming lupain,
upang makapagpasalamat at makapagbigay kami ng papuri sa inyong kabanalan.”
³⁶ Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
At ang lahat ay magsabing, “Amen!” Purihin ninyo ang Panginoon!