¹³ Mayroon bang dumaranas ng paghihirap sa inyo? Dapat siyang manalangin sa Dios. Mayroon bang masaya sa inyo? Dapat siyang umawit ng mga papuri. ¹⁴ Mayroon bang may sakit sa inyo? Dapat niyang ipatawag ang mga namumuno sa iglesya para ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. ¹⁵ Ang panalanging may pananampalataya ay nakapagpapagaling ng may sakit. Ibabangon siya ng Panginoon at patatawarin kung nagkasala siya. ¹⁶ Kaya nga, ipagtapat ninyo sa isaʼt isa ang mga kasalanan nʼyo at ipanalangin ang isaʼt isa para gumaling kayo. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid, ¹⁷ katulad ni propeta Elias. Tao rin siyang tulad natin. Mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, at hindi nga umulan ng tatloʼt kalahating taon. ¹⁸ At nang nanalangin siya para umulan, bumuhos ang ulan, at namunga ang mga pananim.
¹⁹ Mga kapatid, kung nalilihis sa katotohanan ang isa sa inyo at may nakapagpabalik sa kanya sa tamang landas, ²⁰ dapat ninyong malaman na ang nagpabalik sa isang makasalanan mula sa kanyang masamang pamumuhay ay nagliligtas ng kaluluwa ng taong iyon sa kamatayan, at magdudulot ng kapatawaran ng maraming kasalanan.