¹ Ngayon mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang ginawa ng mga iglesya sa Macedonia dahil sa biyaya ng Dios sa kanila. ² Kahit na dumaranas sila ng maraming pagsubok, masayang-masaya pa rin sila. Kaya nga naging lubos silang mapagbigay sa kabila ng kanilang matinding kahirapan. ³ Makapagpapatotoo ako sa inyo na kusang-loob silang nagbigay at higit pa nga sa kanilang makakaya. ⁴ Sapagkat sila na mismo ang paulit-ulit na nakiusap sa amin na bigyan sila ng pagkakataong makatulong sa mahihirap na mga mananampalataya. ⁵ At higit pa nga sa aming inaasahan ang kanilang ginawa, dahil una sa lahat, inialay nila ang kanilang mga sarili sa Panginoon at sa amin, ayon sa kalooban ng Dios. ⁶ Dahil sa kanilang ginawa ay pinakiusapan namin si Tito na bumalik sa inyo, at tapusin ang inumpisahan niyang pangongolekta ng inyong tulong para sa mga kapatid sa Judea. ⁷ Kayong mga nasa Corinto ay nangunguna sa lahat ng bagay – malakas ang inyong pananampalataya, magaling kayong magturo, marami kayong alam, masipag sa paglilingkod sa Dios, at malaki ang inyong pag-ibig sa amin. Kaya gusto namin na manguna rin kayo sa pagbibigay. ⁸ Hindi sa inuutusan ko kayo; sinasabi ko lamang sa inyo ang ginagawang pagtulong ng iba para maipakita rin ninyo sa amin na tunay ang inyong pagmamahal. ⁹ Sapagkat alam naman ninyo ang biyayang ipinakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman siya doon sa langit ay nagpakadukha siya dito sa mundo alang-alang sa atin, para sa pamamagitan ng kanyang kahirapan ay maging mayaman tayo.
¹⁰ Kaya ito ang maipapayo ko sa inyo: Makabubuti kung ipagpapatuloy ninyo ang inumpisahan ninyong pagbibigay noong nakaraang taon. Kayo ang unang nakaisip nito, at kayo rin ang unang nagsagawa. ¹¹ Kaya ituloy ninyo ito! Pagsikapan ninyong tapusin ang gawain na masigasig ninyong inumpisahan, at magbigay kayo sa abot ng inyong makakaya. ¹² Sapagkat kung kusang-loob ang inyong pagbibigay, tatanggapin ng Dios ang anumang makayanan ninyo. Hindi niya kayo pinagbibigay nang hindi ninyo kaya. ¹³ Hindi ko sinasabi na magbigay kayo para guminhawa ang iba at kayo naman ang maghirap, kundi para magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa ating kalagayan. ¹⁴ Sa ngayon ay masagana kayo, kaya nararapat lamang na tulungan ninyo ang nangangailangan. Sa panahon na kayo naman ang mangailangan, at sila ang masagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa ganoon, magkakapantay-pantay ang kalagayan ng isaʼt isa. ¹⁵ Ayon nga sa Kasulatan,
“Ang nagtipon ng marami ay hindi sumobra,
at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang.”